
sa naghihingalong panulat ni Ruby Mae E. Buitizon (Waray po kasi ito kaya naghihingalo sa Tagalog niya...sana'y di matuluyan...sorry Juan Bahag...)
…Panimula:
Busilak ang pusong nagmamahal ng buong buo sapagkat sila’y matatawag kumpletong nilalang di man magkaroon ng katuparan ang kanilang inaasam. Ang buhay ng taong umiibig kailanman ay di mawawalan ng kinang at kulay…gaano man ito mabigo at makaranas ng pait sa kamay ng taong kanyang minamahal ---
…Panimula:
Busilak ang pusong nagmamahal ng buong buo sapagkat sila’y matatawag kumpletong nilalang di man magkaroon ng katuparan ang kanilang inaasam. Ang buhay ng taong umiibig kailanman ay di mawawalan ng kinang at kulay…gaano man ito mabigo at makaranas ng pait sa kamay ng taong kanyang minamahal ---
eeeew! ano to?
Teka, teka, teka! Ano ‘to sumulat? Magulat at Magmulat!! Cyril So...ako ba to?
Hindi!
Ano ‘to blog ng martir na binaril sa gitna ng Luneta? Panay pag-ibig na busilak at pagpapakahunghang? HINDI! Hindi ito ang nauukol dito…
Ito’y isang kuru-kuro ng isang babaing di makatulog isang gabi dahil ito ay nakapagkape ng kapeng barako! Sinulat niya ito bilang paggunita sa Buwan ng Wikang Filipino ngayong Agosto. Anuman ang nakasulat dito, ay bunga ng kanyang mayabong at mayamang imahinasyon…at kanyang inaari ang anuman batikos na ipupukol ng mga taong makakabasa nito…
Iniaalay ng manunulat ang sanaysay na ito sa lahat ng NAGHANGAD at NABIGO (sa kahit anumang aspeto ng buhay). Para rin kay Jhepay na nagsilbing isang inspirasyon...
K A L Y O
Minsan sa buhay natin, tayo ay namangha sa isang bagay. Humanga. Nagnais. Nagnasa. Nagtiwala. Naghangad. Nagmahal at natutong dumakila. Kaakibat nito ay ang iyong pagkakaroon ng isang masidhing pagnanasang makamtan ito – kung kaya’t lubos mong dinasal at hinangad na ito ay mapasaiyo. Bantulot ka man, pinilit mong gawin ang lahat para makuha at maabot itong kaisa-isang bagay na iyong pinapangarap. Lahat ng pagod, hirap, pagtitimpi, pagsisikap at minsan pati hiya at reputasyon naipusta at naibigay mo na para lang makamtan ang bagay na ito. Lumaban ka. Pumusta. Naniwalang kaya mo. Kinalimutan ang sarili, ang sigaw ng katinuan at katahimikan ng kaisipan para lang sa pag-abot nito. Sumagwan hanggang sa marating mo ang pinakamalalim na bahagi ng yung pangarap.
Pero sadyang mapaglaro ang tadhana. NABIGO ka. Minalas. Inabot ng sangkatutak na pait at pagkabigo sapagkat hindi mo nakuha ang iyong pinakananais. Sa halip na mapasaiyo, tinapon sa iyong pagmumukha ang kabiguan mo sa pagkamit ng bagay na iyong kinagiliwan at pinaglaanan ng iyong marubdob na pagnanasa. Ang masakit pa nito, nagdumilat sa iyo ang katotohanang KAILANMAN ay HINDI mapapasaiyo ang pinapangarap. Kung kaya wala kang ibang pupuwedeng gawin kundi ang tanggapin ng buong puso ang sakit ang pait ng isang matinding kabiguan. Tumanggap ng pagkatalo…marapat lang na ikaw ay lumayo at umuwing luhaan. Bigo kang makuha ang iyong pangarap. Bigo sa iyong pagnanasang makamtan ang iyong dinakila. At bigo ka ring mapatunayan sa mundo na ikaw at ikaw lang ang sadyang karapat dapat na makuha sa kanya. Humihiyaw ang puso dahil sa katotohanang ikaw ay bigo. Oo. Bigo ka.
Lumakad ka na papalayo sa pait ng pagkabigo. Palayo. Pabalik sa katotohanang mamumuhay ka muli gaya ng dati. Nung dating hindi ka pa nagnasa. Hindi ka pa nagnais. Dumakila. Naniwala sa isang malayong pangarap.
Lulugo-lugong humakbang palayo. Nakayuko. Malamlam ang mga mata. Pait ay bakas sa mukha. Oo, bigo ka man pero pinilit mong makabangon. Pinilit mong makabalik sa pampang upang hindi tuluyang matangay ng agos at lamunin ng rumaragasang unos ng sakit at tuluyang malunod sa sakit na iyong nararamdaman sa pagkabigo mong kamtin ang iyong pangarap.
Lumaban ka pero sadyang kay lupit ng tadhanang may hawak sa iyong pangarap mo. Nanatili itong bingi sa iyong pagsamo at mga panaghoy. Wala itong ibang inalala kundi ang sarili nitong pasya na ipagdamot sayo ang iyong pangarap. Lumaban ka at nabigo. Pumusta ka at natalo. Bigong bigo ka at hapong hapong lumakad sa tabi ng dalampasigang minsan ay nakuha mong iwanan upang pilit mong suungin ang lakas ng alon para sa isang malayong pangarap. At dito unti unti mo ng napagtanto na sadyang kay layo ng iyong pangarap mula sa dalampasigang iyong kinakatayuan. Napaghinuha mong dapat pala ay pinakinggan mo ang bulong ng katuwiran bago ka pa pumalaot upang ipaglaban ang iyong pinangarap.
Heto ka ngayon balik sa dating pampang ng katuwiran at katotohanan. Malayo sa pangarap na iyong pinagnasaan. Pinilit mong bumangon sa iyong pagkakadapa sa hapding iyong kinasadlakan. Pinilit mong maglakad palayo sa karagatan ng kabiguan. Isinumpa sa sariling kailangan man ay hindi na hahabol sa isang bagay na walang patutunguhan. Kinumbinsi, pinaniwala at tinuruan ang sariling hindi na kailanman mamangha, hahanga, magnanais, magnanasa, magtitiwala, maghahangad, magmamahal at dadakila sa isang malayong pangarap.
Umayaw ka na. Nagdesisyong tuluyang kumalas at mamayagpag sa ibang paraan. Malayo sa bagay na minsan mong pinangarap. Binuhay mo ang sarili mo sa paniniwalang kaya mong tumayo at bumangon muli kahit wala ang pangarap na iyong hinangad. Buhay kang hindi na kailanman maghahangad sa isang malabong pangarap. Baon baon mo sa puso mo ang paniniwalang kahit ano man ang mangyari hindi ka na pupusta at lalaban sa isang bagay na walang katiyakan.
NGUNIT sakdal na mapaglaro ang tawag ng iyong palad -- kaypait ng ganti ng tadhana sa iyong bagong paniniwalang ito. Kung kailan ka umayaw at nagdesisyong bibitaw at di na mangangarap saka ka naman biglang lalapitan ng tukso ng iyong pangarap. Saka ka tatakamin ng mga pahapyaw na alindog ng mga larawan ng mga bagay na maaaring mangyari sakaling maabot mo ang iyong pinapangarap ka. Kung kailan ka humindi saka ka tinukso uling mamangha, humanga, magnais, magnasa, magtiwala, maghangad, magmahal at muling dumakila sa isang pangarap na iyo ng iniwan dahil sad ala nitong pait at kabiguan sa isang taong katulad mong minsan ay nangarap.
Nakakatawa man pero may may oras na talaga namang sinabi mo sa sarili mong ayaw mo na. Na hindi ka na kailanman papalaot pa sa isang pangarap na kabiguan ang dinulot sa iyong damdaming tunay at busilak na nagnasa at nagmahal dito. Humihiyaw ang puso mong minsan pang nangangakong hindi na kailanman padadala sa tawag ng isang mapaglarong pangarap. Ikaw ay pilit na nagbingi bingihan. Nagbulagbulagan. Pilit winawaksi ang nararamdaman. Pilit winawala ang bagay na magpapaalala sa pangarap na di nakamtan. Ayaw mo na, ikamo pa. ‘AYOKO NA!’ Sigaw ng puso mong sugatan at pilit lumalabang pangarap ay kalimutan. Ayaw mo na nga, oo. Ayaw kung sa ayaw. Hindi kung sa hindi…
Sino ang pinapaniwala mo? Ayaw mo na?
Ngunit pano kung may mga bagay kang nakita na nagdulot sa iyo ng konting saya? Ng konting pag-asang baka nga naman sa minsan mo pang pagsubok kamtin an ng pangarap mo ay ikaw ay manalo na?
Paano kung sa iyong pag-ayaw na ito…may LUMAMBONG na isang maliit ngunit matibay na pag-asa? Ayaw mo na?
Umayaw ka na pero heto’t muli kang umasa dahil may mga bagay kang nakikita. Nababanaag. Nasisilayan. Bagay na talagang magbibigay sayo ng kahit konting pag-asa upang patuloy kang kumakapit sa isang masidhing pinangarap kahit gaano man kasakit ang dulot nitong kabiguan dati. Pag-asa? O kay hangal mong kumapit pa rin sa isang pangarap na alam mo naman may napakalaking posibilidad na hindi magkatotoo. Ilang beses mo ng iniwan ang marubdob na damdaming iyong dala dala, pero heto ka muling nababaliw iwan ang ganda at katahimikan ng dalampasigan upang muling sumubok suungin ang karagatan para maabot ang isang marubdob na pagnanasa…sa isang napakailap na pangarap. Di ba minsan mo ng isinumpang kailanman ay hindi ka na maapektuhan ng kahit anong bagay na makikita mo mula sa iyong pinapangarap? At kailanman ay di ka na uulit sumugal pa? Pero heto siya, ang pangarap mo…muling kumakatok. Susundin mo pa ba ang sigaw ng iyong puso at hangaring makuha ang isang, minsan, ay naging mailap mong pangarap?
Tatalikdan mo na lang ba basta ang idinulot nitong hapdi at sakit sa puso mong dati ay umasa? Bibigyan mo pa rin ba ito ng pansin gayong alam mong pwede ka nitong pahirapan uli at muling ipagdamot sayo ang iyong pangarap kahit gaano ka kabangis at katiwalang lumaban at pumusta?
Sapat na ba ang pagbibigay mo sa kanya ng isang libo’t isang pagkakataon para mapatunayan mo sa kanyang karapatdapat ka sa pangarap na noon pa man ay iyong inasam? Gayong sa kabila nito, pupuwede ka na naman uling biguin ng pangarap mong ito? Muli ka bang mamangha? Hahanga? Magnanais? Magnanasa? Magtitiwala? Maghahangad? Magmamahal? At dadakila muli, minsan pa…para sa isang malayong pangarap pilit mo uling aabutin ?
O puso, bakit kayhirap mong turuan…hindi ka na natuto. Hindi ka na mapigilan. Marapat lamang na ikaw ay patuloy na magluksa sa isang pangarap na alam mong simula’t simula pa man ay dapat mo ng pinagluksa…sapagkat ito ay walang idudulot kundi matinding LUNGKOT AT KABIGUAN.
Heto ka…araw araw laging namamangha, humahanga, nagnanais, nagnanasa, nagtitiwala, naghahangad, nagmamahal at dumadakila sa isang malayong pangarap na alam mo naman dapat ng ipagluksa at libing. Isang pangarap na malayo na dapat mahigpit na balutin ng isang HIRAM NA LIGAYA, GALAK at SAYA.
Oo, hiram na katuwaan at pagbubunyi ! Salat, kulang at sobrang malayo sa iyong pinagnasang pangarap! Tama nga! Hiram lang itong pambalot na ito! BALATKAYO. Huwad. Hungkag. Malamlam. Walang kulay. Hiram at hindi sa iyo. At alam mo ring anumang oras maari itong liparin ng muling pagtukso sa iyo ng iyong pangarap upang ikaw ay muling mamangha. Humanga. Magnais. Magnasa. Magtiwala. Maghangad. Dumakila. At MAGMAHAL. Patuloy na magmahal sa kabila ng lahat ng pait. Humiram ka man ng lakas, ligaya, galak at tuwa sa iba…isa lang ang totoo: sa likod ng iyong hiram na balatkayo naroon ang katotohanang kahit gaano ka saktan ng iyong bigong pangarap patuloy kang mamangha. Hahanga. Magnanais. Magnanasa. Magtitiwala. Maghahangad. Dadakila. At MAGMAMAHAL…sa isang malayong pangarap. MAY KABIGUAN. MAY LUHA. MAPAIT. MASAKIT.
MAPAIT. MALAYO. MAPAGLARO… ngunit TOTOO…
No comments:
Post a Comment